Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) na agarang gamitin ang tinatayang P18 bilyong hindi nagamit na pondo mula sa 2025 budget upang pondohan ang fuel at fertilizer subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Pangilinan, hindi na dapat maantala ang paglalabas ng pondo lalo na’t patuloy na naaapektuhan ang sektor ng agrikultura at pangingisda ng pagtaas ng gastos dulot ng tensyon sa Middle East.
Giit ng senador, mahalagang magamit ang mga pondong ito upang mapagaan ang pasanin ng mga lokal na producer at maiwasan ang tuluyang pagtaas ng presyo ng pagkain sa merkado.
Matatandaang naglabas na ang pamahalaan ng P10 bilyong tulong pinansyal para sa mahigit 4.1 milyong magsasaka at mangingisda, na katumbas ng P2,325 bawat benepisyaryo.
Gayunman, binigyang-diin ni Pangilinan na hiwalay pa rito ang P18 bilyong maaaring i-realign mula sa mga hindi nagamit na pondo ng kagawaran, kabilang ang mga alokasyon para sa farm-to-market roads at iba pang programa.
Babala pa ng senador, kung hindi agad kikilos ang pamahalaan, posibleng lumala ang epekto ng krisis sa suplay ng pagkain dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pataba sa pandaigdigang merkado.
Dagdag pa niya, ang mabilis na paglalabas at paggamit ng pondo ay makatutulong hindi lamang sa mga magsasaka at mangingisda kundi pati sa mga konsumer na direktang apektado ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Kaugnay nito, hinikayat ni Pangilinan ang DA na pabilisin ang proseso ng realignment ng pondo alinsunod sa umiiral na batas upang matiyak ang agarang tulong sa sektor.
Ipinunto rin ng senador na bukod sa agarang solusyon, mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang pangmatagalang hakbang upang mapalakas ang lokal na produksyon at mabawasan ang pagdepende sa imported na suplay.
















