Nakatakda nang simulan bukas ng Judicial and Bar Council (JBC) ang public panel interview sa bakanteng posisyon ng associate justice sa Supreme Court (SC) bukas, araw ng Huwebes.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra na ex-officio member ng JBC, 17 sa mga aplikante ang inaasahan nilang sasalang sa screening bukas ng JBC.
May itatakda din aniyang mga petsa para sa mga gagawing public panel interview.
Una rito, maging si Guevarra ay nairekomenda ni retired Sandiganbayan Associate Justice Raoul Victorino sa JBC para mapasama sa mga pagpipilian sa bakanteng puwesto ng associate justice ng Korte Suprema, ngunit kanya itong tinanggihan.
Pagtiyak naman ng JBC, ang lahat ng mga nasabing aplikante ay dadaan sa kanilang mabusising pagsasala, bago naman mapagpilian sa nabakanteng posisyon ni Chief Justice Diosdado Peralta bilang associate justice ng SC.