-- Advertisements --

Posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga namatay sa Puerto Princesa sa Palawan kasunod na pananalasa ng bagyong Odette.

Sa ngayon kasi ay nasa 17 ang napaulat na namatay doon habang 22 pa ang nawawala.

Sa Barangay Irawan daw sa Puerto Princesa isang dalawang taong gulang na bata ang inanod ng baha habang papatawid ang kanilang pamilya sa kalsada sa isinasagawang evacuation noong Biyernes ng gabi.

Natagpuan din umano ang bangkay ng senior citizen sa Barangay Lucbuan.

Sa Langogan, lima ang napaulat na namatay habang isa pa ang nawawala.

Ang mga nawawala naman umano ay mula sa munisipalidad ng Roxas.

Kahapon nasa 7,602 pamilya o 14,497 na katao ang apektado ng bagyong Odette sa Puerto Princesa.

Nasa 73 evacuation centers naman ang tinutuluyan ng mga apektadong residente.

Sa ngayon, nananatili raw na walang communication system ang Puerto Princesa at karamihan sa mga lugar ay wala ring suplay ng kuryente.

Karamihan daw sa mga bahay sa Puerto Princesa ay totally damaged o walang mga bubong.

Nananawagan naman ang mga residente doon na magbigay sana ang pamahalaan ng pagkain dahil paubos na ang kanilang supply.