-- Advertisements --

May 17 candidate vaccines na raw laban sa COVID-19 ang kasalukuyang nasa clinical trial stage ng iba’t-ibang bansa, batay sa update ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, may 132 iba pa na kandidatong bakuna laban sa COVID-19 ang nasa pre-clinical stage naman.

“Ang FDA ay mayroon nang koordinasyon sa Department of Science and Technology para sa technical review ng mga mag-a-apply ng COVID-19 vaccine clinical trial sa bansa,” ani Domingo.

Habang nasa trial stage ang mga naturang bakuna, ang Pilipinas ay nauna nang sumali sa hiwalay na clinical trial ng World Health Organization (WHO).

Sa ilalim ng Solidarity Trial ng WHO, apat na uri ng off-labeled drug ang sinusubukan bilang treatment sa COVID-19 patients. Kabilang sa mga ito ang hydroxychloroquine, remdesevir, lopinavir with ritonavir, at lopinavir with ritonavir plus interferon beta-1a.

Mula sa apat na gamot, ang anti-Ebola drug na remdesivir ang nakikitaan sa ngayon ng positibong epekto sa mga ginamitang pasyente.

“Isa ito sa mga bagong gamot kaya wala pa itong aprubadong indikasyon at Certificate of Product Registration sa kahit na anong bansa. Kaya ang mga bansang gumagamit ng remdesivir ay may mga limitasyon sa paggamit nito gaya ng pag-enroll sa clinical trials.”

Una nang itinigil ang paggamit sa hydroxycholoroquine dahil sa ebidensyang hindi nito nababawasan ang mortality rate ng COVID-19.

Nagpaalala naman si Domingo sa publiko hinggil sa paggamit ng gamot na Dexamethasone na nakitaan naman sa pag-aaral sa United Kingdom, na nakatulong umano para mapababa ang bilang ng mga namamatay sa sakit.

“Mahigpit na pinaaalahanan ng FDA ang publiko na hindi ito iniinom kung walang indikasyon. Kailangan ang reseta at pagsubaybay ng isang doktor sa paggamit nito.”

Ayon kay Domingo, hangga’t wala pang lunas sa COVID-19 ay dapat na manatiling balanse sa kaligtasan ng mga pasyente ang ginagawang clinical trials sa mga gamot.

“Hindi biro at basta-basta lang ang pagbibigay ng gamot dahil may mga epekto ito na maaaring hindi maging kaaya-aya. Kinakailangang suportado ng scientific evidence at ethical basis ang mga desisyon,” paliwanag ng FDA chief.