Kinilala ng Guinness World Record ang 17-anyos na British-Belgian na si Mack Rutherford bilang pinakabatang umikot ng mag-isa buong mundo lulan ng kaniyang eroplano.
Umabot sa limang buwan ang biyahe ni Rutherford ng ito ay makabalik at lumapag ang kaniyang Shark Aero microlight airplane sa airfield malapit sa Sofia, ang capital ng Bulgaria.
Nagsimulang lumipad ito noong Marso 23 kung saan nakapunta siya sa 30 bansa.
Aminado ito na may panahon na gusto na niyang sumuko subalit ipinagpatuloy pa rin niya ang biyahe.
Dahil dito ay nabasag niya ang dalawang record kabilang ang nagawa ng kaniyang kapatid na babae na si Zara na 19-anyos na.
Naantala pa ang biyahe nito dahil sa mga delays ng mga permit kung saan napilitan siyang umikot ng dalawang beses sa Africa, Middle East, South Asia, North America at Europa.
Ilan sa mga naging hamon sa kaniyang biyahe ay ng maabutan siya ng masamang panahon subalit hindi siya sumuko.
Sa ngayon ay plano nitong bumalik sa pag-aaral para makahabol sa mga nakaligtaan niyang mga aralin.