
Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na aabot sa 164 na mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang sumuko na sa pulisya ngayong taon.
Ayon sa pambansang pulisya, nakalap ang naturang datos nang kusang sumuko ang mga ito sa iba’t-ibang police units ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) region mula noong Enero hanggang Nobyembre 24 ng taong ito.
Anila, bunga ito ng mas pinaigting pa na counter-insurgency campaign ng buong hanay ng kapulisan na nagpapatuloy na mangumbinsi ng mas marami pang miyembro ng CPP-NPA na magbalik loob na sa batas at muling mamuhay kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Samantala, inihayag naman ng mga otoridad na maaaring sumailalim sa E-Clip o Enhanced Comprehensive and Local Integration Program ang mga indibidwal na sumuko sa mga otoridad upang muling makasama sa komunidad at makatatanggap din ang mga ito ng mga programang pangkabuhayan, at tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Matatandaang batay sa ulat ng pulisya ay nagmula sa Oriental Mindoro ang dalawang pinakahuling sumukong miyembro ng NPA na kinilala bilang si “Ka Gringo”, 27 taong gulang, at si “Ka Jimbo”, 33 taong gulang na kapwa mga miyembro ng komunistang grupong Southern Tagalog Regional Party Committee at agad na boluntaryong sumuko sa mga otoridad kasunod ng pakikipa-usap sa mga ito sa Barangay Cabalwa, Mansalay sa pangunguna ni Lt. Sherwin Ramirez.










