Sinisikap ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mapauwi na ang ilang libong repatriated overseas Filipino workers na nanaatili pa rin hanggang sa ngayon sa mga quarantine facilities sa Luzon.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na 43,000 OFWs pa kasi ang inaasahan nilang uuwi ngayong Mayo hanggang Hunyo.
Kaya target nilang mapauwi na simula ngayong araw ang nasa 16,000 OFWs na nasa quarantine facilities pa rin at nakatakda nang matapos sa 14-day quarantine at swab test.
Karamihan aniya sa mga ito ay naghihintay na lamang ng certification mula sa Bureau of Quarantine (BOQ).
Mahalaga aniyang makuha muna ng mga OFWs na ito ang naturang dokumento para maiwasan na rin ang anumang aberya sa kanilang pag-uwi.
Sa oras kasi aniyang pauwiin ang mga OFWs na walang certificate mula sa BOQ, sinabi ni Bello na maaring hindi sila tanggapin ng mga local government units sa pangamba ng COVID-19.