-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nasa 16 na manggagawa na inabandona sa kanilang barracks sa Barangay Ugsod, Banga, Aklan ang agad nahatiran ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region VI.

Pinangunahan ni Regional Director Ma. Evelyn B. Macapobre ng DSWD-Western Visayas ang pagbibigay ng tulong sa naturang mga obrero na pawang nagmula sa Laguna at Bulacan matapos makarating kay DSWD Secretary Erwin Tulfo ang kanilang paghingi ng makain at pamasahe pauwi sa kani-kanilang pamilya.

Ang bawat obrero ay binigyan ng food packs at P10,000 na ayuda.

Maliban dito, ilang lokal na pamahalaan sa Aklan at residente ang nagbigay ng bigas at grocery items.

Ang mga manggagawa ay nagtatrabaho sa ARRL Cable Installation Services na inabandona ng kanilang contractor mula sa GEDN OSP Designs and Services matapos ang halos isang buwang pagtrabaho.

Nanawagan naman ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan na imbestigahan ang may-ari ng kumpanya.