-- Advertisements --

Kasabay ng paggunita sa International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking, inilunsad ng Department of Health (DOH) ang isang hotline para sa mga mangangailangan ng professional assistance hinggil sa posibleng drug abuse at iba pa, sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Katuwang ng ahensya ang Dangerous Drugs Abuse Prevention and Treatment Program sa paglulusad ng “Substance Abuse Helpline 1550,” na target magbigay ng tulong sa mga itinuturing na Persons Who Use Drugs (PWUDs), kanilang pamilya, at lalo na ang publiko.

Ayon sa program manager na si Dr. Jose Bienvenido Leabres, bagamat “chronic mental disorder” o matagal gumaling ang sakit na pagkalulong sa ano mang uri ng substance tulad ng illegal drugs, ay treatable o kayang gumaling ng isang PWUD mula rito.

“Nonetheless, we have enhanced the infection, prevention, and control measures at all DOH rehabilitation centers, and we are glad to report that there are zero COVID-19 cases in all of these facilities,” ani Leabres.

Sa ilalim ng sinusunod na panuntunan ng ahensya at programa, isinasailalim sa community-based rehabilitation programs ang mga nasa mild na level ng substance abuse.

Accredited clinics at residential drug rehabilitation centers naman ang responsable para sa mga may moderate at severe level ng addiction.

Ipinaalala naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang papel na ginagampanan ng pamilya at kaibigan para sa mga PWUD na mangangailangan ng tulong.

“Ang substance abuse problem ay isang sensitive topic na mahirap matukoy sa una at hindi madaling pagusapan. Katulad ng COVID-19, malayo ang ating mararating kung tayo’y mayroong mutual support at pag unawa sa bawa’t isa. Sana ay patuloy tayong magtulungan upang maging parte ng solusyon,” ayon sa Health spokesperson.

Bukas ang Substance Abuse Helpline mula Lunes hanggang Biyernes, nang alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, sa pamamagitan ng landline o mobile phones.

“Through the hotline, trained helpline operators will provide brief assessment, intervention services, and referrals to treatments. Furthermore, all calls and information will be kept confidential to protect the privacy of those who sought for assistance,” ayon sa DOH.