-- Advertisements --

Tumalima ang nasa 153,651 na dayuhan sa kanilang mandatory registration sa Bureau of Immigration (BI) sa loob ng unang 60 araw ng taong ito kumpara sa 136,065 na nakarehistro sa parehong panahon noong 2023.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ito ay isang positibong senyales na parami nang parami ang mga dayuhan na nag-a-apply para manirahan sa Pilipinas, hindi tulad noong panahon ng Covid-19 pandemic na kakaunti lang ang mga dayuhan na bumisita sa bansa.

Sa ilalim ng Alien Registration Act of 1950, ang mga dayuhang nakarehistro sa BI ay kinakailangang gumawa ng annual report sa loob ng unang 60 araw ng bawat taon.

Ayon sa BI, ang immigrants ay permanenteng residente ng Pilipinas habang ang mga non-immigrants naman yung mga pansamantalang residente tulad nalamang ng mga dayuhang manggagawa, expatriates at mga estudyante.

Nanguna ang mga Chinese national sa listahan ng mga nagparehistro na may 49,556 noong 2024, sabi ng BI.

Mayroong 26,123 na Indian; 11,671 Vietnamese; 10,912 Amerikano; 7,800 Taiwanese; 6,448 South Koreans; 6,019 na Indonesian; 5,214 Hapon; 3,392 Briton; at 2,804 Malaysians.