BUTUAN CITY – Nagpapagaling pa sa ospital ang 15 pasahero ng isang bus na nahulog sa bangin sa Butuan City.

Ayon kay police Capt. Rodel Dorado, hepe ng Butuan City Police Station 4, sugatan ang naturang bilang ng mga pasahero at agad dinala sa ospital.

Batay sa ulat, nawalan ng kontrol ang driver ng bus ng Davao Metro Shuttle na galing La Paz, Agusan del Sur.

Patungo raw sana itong Butuan City at binabagtas ang kahabaan ng kalsada sa Brgy. De Oro nang mangyari ang insidente.

Personal umanong sumuko ang driver sa pulisya matapos ipagbigay alam sa kompanya ang aksidente.

Sa ngayon tikom pa raw ang bus company sa pagsagot ng gastusin sa mga nasugatang pasahero.