Hindi pa malaman ng mga otoridad ng Raleigh, North Carolina ang motibo ng 15-anyos na binatilyo na nasa likod mass shooting.
Sa nasabing insidente ay limang katao ang nasawi kabilang ang isang off-duty na pulis at ikinasugat pa ng dalawang katao.
Ayon kay Raleigh Police Chief Estella Patterson na patuloy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon kung ano ang nag-udyok sa suspek na gawin ang krimen.
Naganap ang pamamaril sa Neuse River Greenway isang sikat na lugar sa mga mahilig mag trail hiking.
Kinilala ang mga biktima na sina Nicole Conners, 53, Susan Karnatz, 49, Mary Marshall, 34, James Thompson,16 at ang 29-anyos na pulis na si Gabriel Torres.
Nakalabas na ang isang biktimang nasugatan habang ang 59-anyos na babae ay nananatili pa rin sa pagamutan.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, pinagbabaril ng suspek ang tao sa kalsada bago lumipat ng lugar na may layong dalawang milya at pinagbabaril ang ilang kabahayan.