1,444 barangay sa Central Visayas, idineklarang drug-cleared na; Kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon, matagumpay pa umano
Mayroon 48% na lamang na mga barangay sa rehiyon ang nananatiling apektado ng droga ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA-7).
Isa pa sa malaking basehan na matagumpay ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga ay ang pagbaba ng drug affectation rate.
Inihayag ni Leia Alcantara, tagapagsalita ng PDEA-7, na malaki ang improvement nito kumpara sa kanilang datos noong 2016 nang unang ipinatupad ang Barangay Drug Clearing Program kung saan nasa 96 hanggang 97 porsyento ng mga barangay dito ang apektado ng ilegal na droga.
Sinabi ni Alcantara na ang dumaraming bilang ng drug-cleared at drug-free na barangay ay patunay ng malawakang pagbuti ng sitwasyon sa paglaban ng droga sa rehiyon.
Sa pagtatapos ng 2022, 1, 444 mula sa 3,003 barangay dito ang nabigyan na ng drug-cleared status habang 116 naman ang idineklarang drug free.
Karamihan sa mga drug-cleared barangay na umabot sa 610 ay nasa lalawigan ng Bohol na mayroon ding 17 drug-free barangays.
Sa lalawigan ng Cebu, may kabuuang 541 barangay ang kinokonsiderang drug-cleared at 18 ang drug-free barangay.
Sa Negros Oriental naman, mayroong 157 drug-cleared at 53 drug-free barangays.