Halos 150 pang mga Pilipino mula sa Israel ang inaasahang darating sa Pilipinas sa mga susunod na linggo.
Ayon sa DFA ito ay upang lisanin ang tumitinding digmaan sa pagitan ng mga miyembro ng Israel Defense Forces at ng Palestinian militant Islamic group na Hamas.
Sinabi ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega na 143 overseas Filipino worker (OFWs) mula sa Israel ang papauwiin ngayong buwan, kung saan ang pinakamaagang batch ay inaasahang darating sa Nob. 6.
Matatandaan na ang Qatar ay namagitan sa isang kasunduan sa pagitan ng Egypt, Israel at Hamas, sa pakikipag-ugnayan sa Washington, na magpapahintulot sa limitadong paglikas mula sa Gaza.
Ayon sa kasunduan, ito ay magpapahintulot sa mga dayuhang may hawak ng pasaporte at ilang mga kritikal na nasugatan na mga indibidwal na umalis sa pamamagitan ng Rafah border sa pagitan ng Egypt at Gaza.
Gayunpaman ang nasabing border ay walang timeline kung gaano ito katagal na mananatiling bukas para sa paglikas.
Dalawang Pilipinong doktor na may medical aid group na Doctors Without Borders ay kabilang sa unang grupo ng mga dayuhan na napiling umalis sa Gaza at tumawid sa Egypt.
Sa ngayon ay mahigpit na nakikipag-ugnayan pa rin ang DFA sa iba’t-ibang ahensya upang matulungang mailikas ang mga Pinoy na naiipit sa sigalot sa pagitan ng Israel at Hamas.