CAGAYAN DE ORO CITY – Pangungunahan ng nasa 14 na 2019 Miss Earth candidates sa mangrove tree planting sa Tubajon Aqua Marine Park sa bayan ng Laguindingan, Misamis Oriental.
Ito ay kabilang sa pre-pageant activities ng organisasyon at pagtugon na rin nang imbitasyon ni Misamis Oriental Gov Bambi Emano sa pamamagitan ng provincial tourism department na makadalaw ang mga kandidata sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Ms Earth Philippines Air Ana Monica Tan na naghahanda na ang mga kandidata para sa pagpunta sa probinsiya bukas mula Metro Manila.
Inihayag ni Tan na bago sasabak sa mangrove tree planting ang foreign beauty queens ay dadalo muna sila sa flag raising ng provincial government sa Lunes ng umaga at magsasagawa ng mini-fashion show sa isang mall nitong lungsod.
Dagdag ni Ana Monica na mamasyal rin ang mga kandidata sa Initao-Libertad Protected Seascape and Landscpe pagkatapos magtanim ng mangrove trees sa araw na Martes.
Sabik na ang mga taga- Cagayan de Oro at Misamis Oriental na makita ang mga kandidata sa Austria, Italy, Croatia, Malta, Puerto Rico, Brazil, Paraguay, Kenya, Reunion Island, China, Tonga, India, Liberia at Vietnam.