Aabot na sa 14 lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa mga apektadong lugar ang ilang bayan sa Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato.
Dahil sa deklarasyon ng state of calamity, mas bibilis ang proseso ng pagbili ng mga lokal na pamahalaan ng mga relief goods at iba pang pangangailangan para sa agarang tulong at pagbangon ng mga apektadong residente.
Ipinaliwanag din ng OCD na ipinatutupad na ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang pagtaas ng presyo habang nasa gitna ng krisis ang mga residente.
Batay sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 176,000 pamilya o higit 736,000 indibidwal ang naapektuhan ng lindol.
Umabot na rin sa 65 ang naitalang nasawi, habang mahigit 57,000 bahay ang nasira kung saan mahigit 10,000 ang tuluyang nawasak.
Aminado ang OCD na malaking hamon ngayon ang agarang pagpapatayo ng mga nasirang bahay at ang pagtukoy kung ligtas pa bang tirhan ang mga dating komunidad ng mga apektadong pamilya.
Ayon sa ahensya, nakikipag-ugnayan sila sa Mines and Geosciences Bureau upang alamin kung kailangan bang ilipat ang ilang residente sa mas ligtas na lugar.
















