Itinaboy ng mga sundalo ng Israel ang mga sasakyan ng United Nations na lulan ang mga pagkain na ipamamahagi sana sa mga residente sa Gaza.
Iyan ang ibinunyag ng food agency ng United Nations matapos itaboy ang 14 trucks na ipinadala nila sa Wadi Gaza checkpoint. Tatlong oras umanong naghintay ang mga ito sa checkpoint bago tuluyang itaboy ng Israel army.
Ayon sa UN, humahanap sila ng iba pang paraan para maiparating sa Northern Gaza ang mga tulong subalit sa Wadi Gaza lamang umano maaaring makadaan ang malalaking truck.
Nauna ng nagbabala ang UN na mahigit dalawang milyong residente nito ang maaaring makaranas na ng famine o matinding pagkagutom na maaaring ikamatay ng mga tao roon.
Nanawagan na rin ang World Food Programme ng ceasefire dahil marami na raw mga bata ang namamatay dulot ng malnutrisyon at iba pang mga sakit na nakuha nila dahil sa kawalan ng nutrisyon.