-- Advertisements --

Nais ngayon ng isang senador na magkaroon din ng 13th month pay ang lahat ng government contractual workers.

Ayon kay Sen. Mark Villar, ito ay dahil ginagawa naman daw ng naturang mga empleyado ang kanilang trabaho gaya ng mga permanent employees.

Dahil dito, naghain na si Villar ng Senate Bill 1528 o ang 13th Month Pay Law para sa lahat ng mga Contractual at Job Order Personnel para mabigyan din ng benepisyo ang lahat ng mga government workers.

Sinabi ni Villar na ang Contract of Service (COS) at job order (JO) workers ay mayroon ding mahalagang papel na ginagampanan sa government service.

Sakaling maisabatas ang panukala ay makikinabang dito ang 642,000 non-permanent government workers.

Ipinaliwanag ni Villar na noong siya pa ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary ay nakita niya ang pangangailangan ng mga government employees ng naturang benepisyo.

Sa pamamagitan ng panukalang batas ay minamandato nito ang pagbabayad ng 13th-month pay sa lahat ng government employees kahit ano man ang kanilang employment status.

Dagdag ni Villar, ang 13th month pay ay kailangan sa ngayon lalo na’t tumataas na ang inflation rate.

Ito ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng extraordinary increase sa presyo ng pagkain, petrolyo at iba pang commodities.

Ang minimum amount available para sa contractual at job order personnel ay hindi dapat mas mababa sa kalahati ng buwanang sahod base sa kasalukuyang kontrata.

Ang tenure ng Contract of Service (COS) at job order mula sa nagdaang administrasyon ay pinalawig naman hanggang sa Disyembre 31.

Sa ilalim ng batas hindi puwedeng i-appoint ang isang employee na maging regular o permanent position kapag walang Civil Service Commission (CSC) eligibility kahit na nakamit na ang education, experience at training requirements.