Sumampa na sa 13,000 mga residenteng naninirahan malapit sa bulkang Mayon ang inilikas sa evacuation centers sa gitna ng pagbubuga ng abo at toxic gases mula sa bulkan.
Batay kasi sa ulat mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nagsimulang dumaosdos ang lava o red hot rocks mula sa Mayon bago mag-8pm nitong araw ng Linggo at umagos ito ng nasa 500 hanggang 1000 metro mula sa summit ng bulkan.
Ayon naman kay Eugene Escobar, officer-in-charge ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na nailikas na ang nasa 3,761 pamilya base sa kanilang pinakahuling datos.
Namahagi na rin ang mga awtoridad ng food packs at iba pang relief commodities sa mga inilikas na residente habang ang nakadeploy na rin ang mga kapulisan at kasundaluhan upang tiyaking hindi babalik ang mga residente sa 6 km permanent danger zone.
Nitong nakalipas na linggo aabot na sa 21 volcanic earthquakes ang naitala sa bulkang Mayon na nagbuga ng 642 tonelada ng sulfur dioxide.