Nakauwi ng ligtas ang 138 na overseas Filipino workers (OFWs) kasama ang kanilang dependents sa bansa matapos ang kanilang repatriation mula Dubai at Qatar, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Dumating ang repatriated OFWs at kanilang dependents sa pamamagitan ng dalawang flights. Ang isang batch mula Dubai lulan ng Emirates ay binubuo ng 112 OFWs at 44 na dependents habang ang isa namang batch mula Doha, Qatar sakay ng Qatar Airways ay binubuo ng 25 OFWs at 15 dependents.
Naisakatuparan ang repatriation ng mga ito sa tulong ng Migrant Workers Offices, at Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng Philippine Embassy.
Sinalubong naman ang mga repatriated OFW at kanilang dependents ng personnel ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Sa kanilang pagdating, binigyan sila ng medical at financial assistance, temporary shelter at libreng transportasyon pabalik sa kanilang probinsiya.
Liban dito, committed din ang pamahalaan na patuloy na mabigyan ng tulong pangkabuhayan, skills training at medical at psychosocial support ang mga repatriated OFW.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa patuloy na suporta ng pamahalaan sa reintegration ng mga nagbalik-bansang OFW sa pamamagitan ng Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa: National Reintegration Network (NRN), sa gitna ng pansamantalang ceasefire sa Iran at US-Israel.















