Inamin ng Philippine National Police na mayroon pang 13 mga police officers ang nananatili pa rin sa kanilang puwesto kahit na tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang mga courtesy resignation.
Matatandaan na ang naturang bilang ay nagmula sa 18 mga third level officers ng Pambansang Pulisya nagpasa ng kanilang mga pagbibitiw at tinanggap naman ng Pangulo nang dahil sa umano’y kaugnayan ng mga ito sa operasyon ng ilegal na droga.
Sa isang pahayag ay kinumpirma ito ni PNP spokesperson PCOl Jean Fajardo kasabay ng paliwanag na kasalukuyan pa raw kasing hinihintay ng mga ito ang desisyon kung sila ba ay irerelieve sa kanilang puwesto habang hinihintay ang pagproseso sa kanilang mga pagbibitiw.
Aniya, hanggang sa ngayon kasi ay wala pa ring natatanggap na official communication hinggil sa magiging kapalaran ng naturang mga police officers.
Dagdag pa ni Fajardo, may nauna nang pronouncement noon na sa oras tanggapin ang courtesy resignation ng isang opisyal ay awtomatiko na itong ikokonsiderang retirado upang makatanggap pasila ng kanilang mga benepisyo bagay kinakailangan aniya nilang linawin ngayon ng Pambansang Pulisya.
Samantala, kaugnay nito ay iniulat naman ng tagapagsalita na kasalukuyan nang nasa floating status ang lima sa 18 police officials na tinanggap ang courtesy resignation at nai-reassign na ang mga ito sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Directorate for Personnel and Records Management.
Sa ngayon ay hindi pa binabanggit ng PNP kung kailan magkakabisa ang pagbibitiw ng naturang mga police officers at kung mabibigyan pa sila ng pagkakataon na umapela.
Ngunit maaalalang una nang sinabi ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr. na kinakailangang sibakin ang mga ito sa kanilang mag puwesto upang hindi na sila makaimpluwensya pa sa kanilang kapwa at makagawa pa ng mga ilegal na gawain gamit kanilang posisyon sa organisasyon.