-- Advertisements --

Nakapagtala ng 13,000 kaso ng salmonella infection ang Department of Science and Technology sa bansa noong taong 2023.

Ayon kay DOST Balik Scientist and Inventor, Dr. Homer Pantua, katumbas ito 42% na pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit mula sa una nang naitala na 9,000 na mga kaso nito noong 2022.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ang salmonella ay bacteria na nagdudulot ng sakit sa mga tao na karaniwang naililipat sa mga tao sa pamamagitan ng pagkonsumo ng hilaw o kulang sa luto na pagkain tulad ng mga itlog, karne at manok, bukod sa iba pa.

Ang mga karaniwang sintomas nito ay mga gastrointestinal disorder, pananakit ng tiyan, at lagnat.

Samantala, kaugnay nito ay nakikipagtulungan na ngayon ang DOST sa mga producers at research institute tulad ng University of the Philippines-Diliman at Batangas Producers and Cooperative upang matukoy ang mga pinagmumulan ng salmonella sa mga itlog at upang matiyak din ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong pagkain.