Sumalang na sa evaluation at assessment ng 5-man advisory group ang mga senior officers ng Philippine National Police bilang bahagi pa rin ng mas maigting na paglilinis sa buong hanay ng kapulisan.
Sa ulat ng itinalagang tagapagsalita ng nasabing komite na si PNP-Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, ito ay matapos ang ikalawang pagtitipon ng advisory group na dinaluhan nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, former Defense secretary Gilbert Teodoro, Undersecretary Isagani Nerez at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr.
Aniya, unang sumalang sa pagsusuri ng komite ang may kabuuang 118 na mga senior officers ng Pambansang Pulisya gamit ang mga guidelines at worksheets na kanilang binuo para sa kanilang isasagawang evaluation at assessment sa mga heneral at koronel nito na nagsumite ng courtesy resignation.
Habang mayroon pa naman aniyang mahigit 800 na mga senior officers ng PNP ang nakatakda namang isailalim din sa evaluation sa susunod na gagawing pagpupulong ng 5-man advisory group.
Kung maaalala, una nang inihayag ni Maranan na uunahing imbestigahan ng nasabing advisory group ang lahat ng mga senior officers ng PNP na mayroong key positions mula sa National Support Units hanggang regional directors.
Kaugnay nito ay patuloy namang tiniyak ng opisyal na ang 5-man panel na binuo ng pamahalaan ay magiging masigasig at patas sa lahat ng mga koronel at heneral ng Pambansang Pulisya para sa mas maigting na pagsusuri sa buong hanay ng kapulisan.