-- Advertisements --

Hindi bababa sa 11 katao ang nasawi at higit 30 ang nasugatan sa isang stampede noong Miyerkules sa labas ng M. Chinnaswamy Stadium sa Bengaluru, Karnataka, habang libu-libong mga fans ang ipinagdiwang ang pagka-panalo ng Royal Challengers Bengaluru sa Indian premier league (IPL).

Ayon kay Karnataka Chief Minister Siddaramaiah, sinubukan umano ng mga tagahanga ng premier league na puwersahang buksan ang isang gate ng stadium upang makapasok sa naturang selebrasyon.

Nabatid na nagbigay ang koponan ng libreng passes sa pamamagitan ng kanilang website at nanawagan sa mga tagahanga na sundin ang mga panuntunan, ngunit hindi inaasahan ang dami ng dumagsa.

Sa kabila ng insidente, nagpatuloy ang pagdiriwang sa loob ng stadium habang inililikas ang mga nasugatan.

Tinawag ng Board of Control for Cricket in India (BCCI) ang insidente na kalunos-lunos at kinilala ang kakulangan sa preparasyon. Ayon kay BCCI secretary Devajit Saikia kumakatawan lamang aniya ito sa madilim na bahagi ng isang pagiging sikat.

‘This is a negative side of popularity. The organizers should have planned it better,’ ani Saikia.