-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Kasalukuyan pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng sunog sa Poblacion, Bontoc, Mt. Province kaninang madaling araw.

Sinabi ni PLTCOL Bernardo Wong, deputy provincial director ng PNP Mt. Province, kabilang sa mga nasunog ang 11 bahay at establishimento, tatlong kotse at tatlong tricycle.

Ayon sa kanya, kasamang nasunog ang bahay ng isang pulis, kotse ng mag-asawang pulis at kanilang tricycle na nakaparada sa lugar.

Sinabi ni Wong na 57 household na binubuo ng 130 individuals ang naapektohan ng sunog na ngayon ay nasa evacuation center sa Anglican Church.

Ayon kay Wong, kinordon na ang nasabing lugar para sa gagawing imbestigasyon kung ano ang sanhi ng sunog, saan ito nagsimula at kung magkano ang iniwang danyos ng nasabing sakuna.

Sinabi pa ni Wong na naputol din ang supply ng kuryente sa nasabing lugar matapos na masunog at gumapang ang apoy sa mga kable na dahilan ng pagkasunog din ng ibang istraktura.

Sinuspindi rin ng alkalde ng Bontoc ang pasok ng mga estudyante sa nasabing lugar dahil sa kabilang sa mga naapektohan ay mga mag-aaral na mga nangungupahan sa ilang gusali na nasunog.

Nagsimula ang apoy 2:30 ng madaling araw at idineklarang fire out ng Bureau of Fire Protection ng 7:30 ng umaga.