KORONADAL CITY – Libo-libong indibidwal na ang apektado sa nangyaring magnitude 6.3 na lindol sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Office of the Civil Defense o OCD 12 assistant Regional Director Jerome Barranco, nagpapatuloy ang assessment ng kanilang ahensya kung saan malawakan na ang epekto ng nasabing pagyanig.
Sa Rehiyon 12, umabot sa siyam ang sugatan mula sa bahagi ng Kidapawan City at Makilala, North Cotabato, at may naitala ring patay.
Maliban sa namatay at injured, nasa 11 tahanan ang nawasak bunsod ng lindol sa Tulunan, North Cotabato na siyang sentro ng naganap na pagyanig.
Sa South Cotabato, 53 ang nahimatay pero na-discharge na sa ospital dahil sa labis na takot.
Umaabot naman sa 23 gusali na pagmamay-ari ng gobyerno ang slightly at severely damaged sa North Cotabato at South Cotabato, habang nakapagtala rin ng sunog at pagkasira sa mga mall sa General Santos City.
Sa ngayon, umaabot sa 31 munisipalidad kabilang na ang mga siyudad sa Rehiyon 12 ang nagkansela na ng klase.
Sa ngayon patuloy ang monitoring sa pagguho ng lupa sa mga bayan ng Tulunan, Makilala at Kidapawan sa North Cotabato.