Nananatiling alerto ang 10th Infantry Division sa kabila ng nakamit na kalayaan mula sa insurhensiya ng Davao Region.
Sa isang press conference kahapon, ipinahayag ni Division Commander Major General Nolasco Mempin na malaking hamon sa hanay ng kasundaluhan ang pagpapanatili ng kaayusan at pagpigil ng mga napuksang rebeldeng grupo.
Ngunit aniya, magpapatuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa kapayapaan maging ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga komunidad sa tulong din ng iba pang mga sangay ng gobyerno.
Dagdag pa ni Mempin, mananatili pa rin ang presensya ng AFP ngunit kinakailangan rin ang suporta ng mga ahensya.
Makakatulong din ang maayos na pamamalakad sa pagtugon sa mga nangungunang suliranin sa bawat lokal na pamahalaan.
Pinasasalamatan din ni Mempin ang Police Regional Office 11 sa pangunguna ni Police Brigader General Benjamin Silo Jr. sa pagtulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa buong rehiyon.
Natatandaang pormal nang nilagdaan nitong Oktubre ng Regional Council of Peace and Order ang resolusyon na nagdedeklara sa Davao Region bilang insurgent free. Samantalang, personal na nasaksihan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang pormal na pagdedeklara ng kalayaan mula sa insurhensiya ng rehiyon sa naging pagbisita sa Davao City noong nakaraang linggo, Oktubre 27 taong kasalukuyan.