Binigyan ng pagkilala ng San Antonio Spurs ang isang Filipino guerilla sa ginanap na Military Appreciation Night sa AT&T Center nitong Miyerkules, Marso 20 (Huwebes, Manila time).

Inulan ng papuri ang 103-anyos na si Liban Brillantes na binigyan ng customized na Spurs jersey na nakaburda sa likod.

Si Brillantes, na tubo at lumaki sa Pilipinas, ay sumali sa 121st Infantry ng US Army sa edad na 19-anyos.

Lumaban din ito noong World War 2 kontra sa hukbo ng Japan kung saan nagsilbi itong secret intelligence sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Batay naman sa report ng San Antonio Express-News, nagmula umano sa Hilagang Luzon si Brillantes bago ito mag-migrate sa US sa edad na 85.