Iniulat ng Philippine National Police na nasa mahigit 100 miyembro ng mga teroristang grupo ang kanilang nahuli sa kanilang ikinasang anti-terrorism operations sa buong bansa sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sa isang pahayag ay kinumpirma ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang resulta ng kanilang isinagawang operasyon mula Agosto 3 hanggang Nobyembre 3 kung saan naitala ng kapulisan ang kabuuang 103 miyembro ng Communist Terrorist Group ang naaresto.
Ayon kay Azurin, ito ay bahagi ng walang humpay na pagsusumikap ng pambansang pulisya na tugisin ang mga miyembro ng mga teroristang grupo.
Aniya, ang naturang ulat ay magsisilbing mahigpit na babala sa lahat ng mga lider at miyembro ng mga teroristang grupo na kasalukuyang malaya pa rin.
Hindi aniya titigil ang PNP na sugpuin ang mga ito at bigyan ng hustisya ang lahat ng kanilang mga naging biktima.