-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi napigilan ng banta ng Coronavirus Disease (COVID)-19 ang pagtatakda ng Masbate Provincial Government ng kaabang-abang na mga aktibidad sa nalalapit na Rodeo Masbateño.

Katunayan ay nakalinya na ang mga aktibidad na dinarayo ng mga turista, mapa-lokal man o dayuhan para sa darating na Abril 1 hanggang 18.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate Tourism head Gerardo Prisado, “open to all” ang kapistahan subalit dapat tiyakin na maagang makapagpa-book ng hotel.

Marso pa lang aniya kasi, ilang hotels ang nagpasabing puno na ang reservation.

Highlight sa okasyon ang barn dance, street dance showdown, cattle ride sa rodeo arena at marami pang iba.

Siguradong patok din sa mga bibisita ang Huego de Toro kung saan papalayain ang mga mailap na baka sa main street at huhulihin ng 3-man team.

Sino mang makahuli rito sa tamang pamamaraan at pasok sa oras na inilaan, may instant alagang baka na pag-uwi.

Nasa 50,000 hanggang 100, 000 turista ang inaasahan sa Masbate kaugnay ng pagdiriwang subalit siniguro ni Prisado na dumadaan sa temperature checking at ilan pang precautionary measures ang mga nagtutungo sa island province.