Magkakaroon ng job fair ang Bureau of Correction sa Lunes, Nobyembre 07, 2022 kasabay ng paggunita sa ika-117th anibersaryo ng kagawaran.
Ito ay matapos na ipahayag ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na mayroong 1,000 job vacancies ang bureau at kasalukuyan silang naghahanap ng panibagong mga tauhan.
Ayon kay Catapang, ang kaniyang mga natutunan noong siya ay cadet pa lamang sa Philippine Military Academy tulad ng katapangan, integridad, at katapatan sa serbisyo ang mga bagay na nais niyang maitanim sa mga bagong magiging opisyal ng BuCor.
Aniya, ang pagbubukas ng naturang job fair sa bureau ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na baguhin ito mula sa mga iregularidad at ilegal na gawaing kanilang natuklasan na nagaganap sa loob ng New Bilibid Prison.
Kung maalala, una nang ibinunyag ni Catapang na mayroong mahigit 7,000 lata ng mga beer at iba pang kontrabando ang umano’y nakalusot sa Maximum Security Compound ng Bilibid kasama ang mga opisyal ng BuCor at Bureau of Jail Management and Penology.