CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 na wala pang nakikipag-ugnayan sa kanila para tulungan ang 10 Vietnamese national na nahuling nangingisda sa Calayan Island sa lalawigan ng Cagayan.

Ito ay matapos na ipasakamay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Aparri, Cagayan ang mga Vietnamese nang masampahan sila ng kasong paglabag sa Fisheries Code of the Philippines dahil sa iligal na pangingisda.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Max Prudencio, tagapagsalita ng BFAR Region 2, sinabi niyang kapag sobrang tagal na at wala pa ring tumutulong sa 10 Vietnamese ay makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Foreign Affairs (DFA) para sila ang makipag-ugnayan sa embahada ng Vietnam.

Ang dalawang fishing vessel na lulan ang 10 Vietnamese ay nahuli ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at fishery enforcer ng BFAR.

Nakuha sa kanilang mga bangkang pangisda ang iba’t ibang uri ng mga ipinagbabawal na isda.