Nasa ligtas nang kondisyon ngayon ang sampung Pilipinong crew members ng barkong inatake ng Houthi rebels sa katubigang sakop ng Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers.
Ito ang kinumpirma ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac kasunod ng kaniyang pakikipag-videocall sa mga ito na kasalukuyang nanunuluyann ngayon sa isang hotel para magpahinga.
Kaugnay nito ay iniulat din ng opisyal na sa ngayon ay nasa stable na rin na kondisyon ang tatlong Pinoy seafarers na sugatan nang dahil sa pag-atake Houthi at kasalukuyan na rin iitong nagpapagaling sa pagamutan.
Samantala, bukod dito ay nakipagkita na rin aniya ang senior officials ng DMW sa mga pamilya ng dalawang Filipino seafarers na nasawi sa nasabing insidente.
Kasabay nito ay nagpahayag ng buong pusong pakikidalamhati ang ahensya para sa mga naulilang pamilya ng mga biktima, gayundin ang pangakong tulong at suporta na ipapaabot ng pamahalaan para sa kanila alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang pakikipag–ugnayan ng DMW sa DFA at maging sa iba pang mga embahada at Migrant Workers Officers sa rehhiyon para tiyakin ang agarang assistance ng mga Pilipinong tripulanteng biktima ng mga pag-atake ng militanteng grupo na Houthi. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)