Kinumpirma ni 2nd Infantry Division Commanding General MGen. Rhoderick Parayno na 10 rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang patay sa nangyaring engkwentro laban sa mga operating troops mula sa 80th Infantry Battalion.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay MGen. Parayno, kanyang sinabi na bandang alas-2:00 ng hapon kahapon nang makasagupa ng mga sundalo ang nasa 30 armadong miyembro ng NPA sa may sitio Pahimuan, Barangay Lumutan, General Nakar, Quezon.

Ayon kay Parayno sa nasabing labanan 10 rebeldeng NPA ang nasawi kabilang ang dalawang babaeng miyembro nito.

Sa panig naman ng militar dalawang sundalo ang nasawi habang dalawa ang sugatan.

Kasalukuyang ginagamot na sa V Luna Hospital ang dalawang sugatang sundalo.

Pahayag ni Parayno na sa ngayon nagpapatuloy ang operasyon ng 80th IB sa pamumuno nina 1lt Entoma at Lt Bauya.