-- Advertisements --

Tumaas na sa sampu ang napaulat na namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Karding.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) deputy spokesperson Raffy Alejandro, ang nadagdag na nasawi ay mula a Baliwag, Bulacan matapos malunod habang ang isa naman ay mula sa Tanay, Rizal.

Kabilang dito ang limang rescuers na namatay matapos na malunod sa may San Miguel, Bulacan, at ang dalawa pang nasawi ay dahil sa pagkalunod at motorcycle accident sa Zambales habang ang isa naman ay nasawi dahil sa landslide sa Burdeos, Quezon.

Ayon pa sa NDRRMC, tumaas din ang bilang ng mga napaulat na nawawala mula sa dating tatlo ay nasa walo na.

Ang karagdagang dalawa na nawawala ay naiulat sa Antipolo, Rizal at ang isa naman sa Patnanungan, Quezon. Mayroon namang dalawang mangingisda ang napaulat na nawawala sa Mercedes, Camarines Norte.

Una rito, base sa data ng ahensiya nasa 157,023 katao o 39,893 pamilya ang apektado ng bagyo mula sa mahigit 1,000 mga barangay sa Ilocos, Cagayan, central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at CAR.

Nakapagtala naman ng kabuuang P23 million halaga ng pinsala sa nasabing mga lugar dahil sa bagyo.