-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sinimulan na ng City Environment and Natural Resources Office ng Kidapawan ang pagtatanim ng abot sa 10,000 bamboo strips sa palibot ng Nuangan river na isa sa mga pangunahing water body sa lungsod.

Ito ay sa ilalim ng Riverbank Rehabilitation and Easement Development Program na isinusulong ng CENRO na ang pangunahing layunin ay ang rehabilitasyon ng Nuangan river partikular na ang mga riparian zones o mga lupaing bahagi ng nabanggit na ilog.

Ayon kay City Environment Officer Edgar Paalan, mahalaga ang programa dahil dito nakasalalay ang kaligtasan ng Nuangan river mula sa iba’t-ibang kasiraan tulad ng pollution, pagkasira ng eco-system at negatibong epekto o mga pagbabagong dulot ng climate change.

Nakipag-ugnayan naman ang CENRO sa iba pang ahensiya o tanggapan upang maging mas malakas pa ang kampanya sa rehabilistasyon ng Nuangan river.

Malugod namang tumugon ang City Disaster Risk Reduction Management Office ng Kidapawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondong abot sa P462,000 para sa ibayong pagpapatupad ng rehabilitation and easement development program.

Kaugnay nito, nakiisa din ang Department of Environment and Natural Resources o DENR, Mt. Apo Eagle’s Club, barangay officials at iba pang sector sa programang ayon sa kanila ay konkretong hakbang upang solusyunan ang unti-unting pagkasira ng ilog ng Nuangan.

Kaugnay nito, ginanap ang launching ng naturang programa sa pangunguna ng CENRO sa Barangay Junction, Kidapawan City kasama ang Punong Barangay na si Cris Sarigumba, CDRRM Officer Psalmer Bernalte, Rosalie Pascual Gasmin ng DENR noong Sep 5, 2021 kung saan ginanap ang ceremonial planting ng mga bamboo strips.

Maliban sa Barangay Junction, agad ding isusunod ang pagtatanim sa iba pang mga barangay na dinadaluyan ng Nuangan river kabilang na ang Poblacion, Manongol, Singao, Magsaysay, Kalaisan at Nuangan.

Umaasa naman si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na magtutuloy-tuloy na ang pagtatanim ng mga bamboo strips at rehabilitasyon sa kahabaan ng Nuangan river hindi lamang para sa kapakanan ng mga mamamayan ngayon kundi ng susunod pang mga henerasyon.