Nakapagtala ng 10 insidente ng sunog ang Bureau of Fire Protection (BFP) may kinalaman sa paputok sa nakalipas na pagsalubong ng bagong taon.
Ayon kay BFP spokesperson Fire Superintendent Annalee Atienza, mas mataas ang naitala ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon kung saan naging malaking bagay ang pagpapatupad ng total ban sa kasagsagan ng pandemiya.
Karamihan sa mga insidente ng sunog ay bunsod ng pagpapaputok ng kwitis na hindi ipinagbabawal.
Sa assessment naman ng BFP ngayong taon, sinabi ni Atienza na naobserbahan na mayorya ng mga Pilipino ay sumunod sa mga panawagan ng pamahalaan lalo na ng BFP hinggil sa pag-iwas sa mga mapaminsalang sunog.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang buong hanay ng BFP sa mga lokal na pamahlaan na nakiisa sa pagpapakalat ng impormasyon sa publiko para sa ligtas na pagsalubong ng bagong taon.










