VIGAN CITY – Asahan umano na hindi makakaapekto sa mga boxing athletes ang isasagawang pocket tournament o sparring session, 10 araw bago ang 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ito ang naging pagtitiyak ni Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) secretary-general Ed Picson sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Ayon kay Picson, walang problema dahil magsusuot naman ng head guard ang mga sasabak sa sparring session na mga boksingero upang masiguro na hindi sila magtatamo ng kahit anong injury o sugat sa mukha.
Aniya, hindi rin nila hahayaan na mabugbog ng husto ang mga boksingero kaya binilin nila ang mga referee na tingnang mabuti ang magiging takbo ng sparring session.
Kasabay nito, muling sinabi ng ABAP official na handang-handa na ang mga boksingerong sasabak sa SEA Games at umaasang makapag-ambag ang mga ito ng maraming gintong medalya.
Ito ay upang masungkit ng Pilipinas ang overall championship title sa nasabing regional biennial meet.