-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang taong gulang na sanggol matapos mahulog sa baha sa Cotabato.

Ang biktima ay residente ng Sitio Proper Barangay Talitay sa Pikit, Cotabato.

Ayon sa ina na si Saguira Kadir Molina, umakyat sila sa bubong dahil pinasok na ang kanilang bahay ng mataas na lebel ng baha.

Dito na aksidenteng nahulog ang sanggol at tinangay ng malakas na agos ng baha.

Kaagad namang nailigtas ang sanggol at dinala sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Ang pagbaha sa bayan ng Pikit ay dulot ng malakas na buhos ng ulan at pag-apaw ng mga ilog.

Maliban sa Pikit, binaha rin ang katabing bayan nito na Pagalungan at Datu, Montawal sa probinsya naman ng Maguindanao.

Una nang binaha ang mga bayan ng Carmen, Kabacan, Libungan, Pigcawayan at Alamada sa Cotabato.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang rescue operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management-Pikit partikular sa mga pamilyang na-stranded na sa baha.