KORONADAL CITY- Binawian ng buhay ang isang taong gulang na batang babae matapos aksidenteng mabundol ng isang pick up sa Waling-waling St., Brgy. Zone 4, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSG Gandy Basan, investigator ng City Traffic ng Koronadal City PNP, lumbas sa kanilang imbestigasyon na hindi namalayan ng kanyang ina na bumili ng mga bulaklak na humiwalay sa kanya ang bata at pumunta sa daan na katabi lamang ng flower shop.
Ayon kay Basan, tumakbo umano sa daan ang batang babae ngunit nadapa ito at tiyempong dumaan ang Strada pick-up kaya’t nabangga ito at aksidente pang nagulongan.
Makikita din sa kuhang video ang pagkataranta ng mga nakakita sa insidente at ang pagsisigaw ng driver matapos itong bumaba sa kanyang sasakyan.
Naisugod pa sa South Cotabato Provincial Hospital ang bata ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.
Kinilala ang driver ng sasakyan na si Melvin Apenton, 51 years old, isang guro na residente ng Barangay San Jose, Koronadal City.
Sa salaysay ng driver, galing ito ng simbahan at dumaan lamang sa nabanggit na lugar upang bumili rin sana ng bulaklak at hindi nito inaasahan na mangyayari ang aksidente.
Boluntaryo namang sumuko ang driver at nasa kustodiya na ng pulisya.
Sa ngayon, nakaburol na ang bata at hinihintay na lamang ang pakikipag-usap ng mga ito sa driver na nakabangga sa bata.
Sakaling pursigidong magsampa ng kaso, mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide si Apenton.