Reading Time: 1 minute

TUGUEGARAO CITY – Sugatan ang tatlong katao sa karambola ng tatlong sasakyan sa Solana, Cagayan.

Ayon kay Police S/Sgt. Rowel Siwagan, imbestigador ng kaso, magkasunod na binabaybay nina John Paul Lucielo Bermudez, 25-anyos, at Gilbert Vea, ang kahabaan ng Barangay General Balao lulan ng kani-kanilang mga sasakyan.

Aniya, nag-overtake si Vea sa sasakyan ni Bermudez ngunit hindi nito napansin ang kasalubong na pampasaherong van na minaneho naman ng isang Valquelie Sumarita.

Dahil dito, nagbanggaan ang dalawang sasakyan kung saan nawalan ng kontrol sa manibela ni Vea at muling bumangga sa sasakyan ni Bermudez.

Nagtamo ng sugat si Angela vea, 21-anyos na lulan sa sasakyan ni Gilbert; at ang magkapatid na sina Janine Rose, 1, at James Russel Tabbu, 8, na nasa sasakyan ni Bermudez.

Masuwerte namang walang tinamong sugat ang mga driver maging ang mga pasahero ng van.

Sa ngayon, nagpapagaling na ang mga biktima habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa insidente