-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isa ang nasugatan sa pagsabog ng bomba sa convoy ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu dakong alas 5:00 ng hapon ng Martes.

Ang nasugatan ay isang tagasuporta ng isang kandidato sa probinsya.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Bongcayao na sumabog sa gilid ng kalsada ang hindi pa matiyak na Improvised Explosive Device (IED) sa Barangay Nangi North Upi Maguindanao kasabay ng pagdaan ng convoy ni Mangudadatu ng Team Agila.

Nagkataon na sumabog ang bomba sa pagdaan ng sasakyan ng kumakandidatong Board Member ng 2nd District sa lalawigan ng Maguindanao at tinamaan ang kasama nito.

Kinumpirma naman ng gobernadora na sila ay nasa maayos na kalagayan.

Bago ang pagsabog ay galing sa campaign rally si Re-electionist Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu sa South Upi Maguindanao at papauwi na.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pambobomba sa convoy ng gobernadora.