CAUAYAN CITY – Isa ang nasugatan sa naganap na banggaan ng pampasaherong bus at kotse sa Gabut, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang driver ng bus ay si Richard Alisbo, 45-anyos, may-asawa at residente ng Almaguer South, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper naman ng kotse ay si Chito Clemencia, 69-anyos, may asawa at residente ng San Jose City, Nueva Ecija.
Ayon sa Dupax Del Sur Police Station, tumawag sa kanilang himpilan si Barangay Kagawad Michael Ilarde ng Barangay Gabut upang ipaalam ang naganap na aksidente na kinasangkutan ng isang Honda City Type Z at pampasaherong bus na Dalin JD.
Patungong Bambang town proper ang bus habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang kotse.
Bigla umanong umagaw ng linya ang tsuper ng kotse dahilan upang masalubong nito ang paparating na bus mula sa kasalungat na direksyon.
Nagtamo ng pinsala sa katawan si Clemencia sanhi ng nabasag na salamin ng kotse habang ligtas ang tsuper at mga pasahero ng bus.
Dinala sa pagamutan ang biktima at nakatakdang mag-ayos ang dalawang tsuper kapag nakalabas na sa pagamutan si Clemencia.