-- Advertisements --

LA UNION – Naihain na sa piskalya ang three counts of murder laban sa isa sa mga suspek na umano’y may kinalaman sa pagpatay sa tatlong nagtratrabaho sa loob ng computer store sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Nakilala ang suspek na ngayon ay nasa pangangalaga ng pulisya na si Romy Acosta na nahuli sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay LtCol. Percival Pineda, hepe ng San Fernando City Police Office, sinabi nito na si Acosta umano ang nagsilbing lookout sa krimen.

Natukoy na rin ayon kay Pineda ang pagkakakilanlan ng dalawang gunmen na pumatay sa tatlong biktima sa loob ng Shania Kenny Merchandise, ngunit tumanggi pa nitong ilabas ang mga pangalan.

Nakilala man ang mga salarin sa krimen ay magsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang malaman ang tunay na motibo sa pamamaril na ang pangunahing pakay umano ay ang manager ng computer store, sabi ni Pineda.

Kung maaalala, dalawang kalalakihan ang lumusob sa loob ng nasabing tindahan ng mga computer accessories at pinagbabaril ang tatlong biktima.