-- Advertisements --

Iniulat ng Environmental Management Bureau (EMB) na nanatiling maayos sa 85% ang water quality sa Central Visayas batay sa monitoring noong 2025.

Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Kay Espinosa, OIC Chief ng Ambient Monitoring and Technical Services Section, ibinahagi niya na sinusukat dito ang biochemical oxygen demand (BOD) at dissolved oxygen (DO), na mahalagang indikasyon ng kalinisan ng tubig.

Aniya, ang biochemical oxygen demand ay ang oxygen na kinakailangan sa tubig, habang ang dissolved oxygen naman ang oxygen na available para sa mga organismong nabubuhay dito.

Bagamat mataas ang porsiyento ng pumapasa, nagbabala si Espinosa na maaaring bumaba ito kung hindi mapangangalagaan ang mga anyong tubig.

Sa Cebu, napansing malaking suliranin ang solid waste, lalo na ang nabubulok na basura na kumokonsumo ng oxygen sa tubig at nagpapababa sa kalidad nito.

Patuloy naman aniya silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang river councils at management board upang matugunan ang mga problema.

Hinihikayat din ang publiko na magsagawa ng simpleng hakbang tulad ng reduce, reuse, at recycle, at isaalang-alang ang kapakanan ng susunod na henerasyon sa pangangalaga ng mga katubigan.