CAUAYAN CITY – Patuloy na inoobserbahan ang tatlong buwang gulang na sanggol mula sa Naguilian Sur, Lunsod ng Ilagan, matapos na mahawaan ng kanyang ina na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Ang naturang ina ay kabilang sa 11 guro na nagpositibo sa deadly virus.
Dahil dito, ang sanggol ang pinakabatang kinapitan ng COVID-19 sa nasabing lungsod.
Bukod sa sanggol, nagpositibo rin ang mister ng guro.
Sa kabila nito, nasa maayos na kalagayan naman ang mag-asawa at kanilang sanggol na nasa quarantine facility ng local government unit sa Cauayan City.
Samantala, muling nakapagtala ng siyam na bagong kaso ng COVID-19 ang Ilagan City batay sa talaan ng Department of Health-Region 2.
Dahil dito, mahigit 200 na ang mga tinamaan ng COVID-19 sa Lungsod ng Ilagan dahil sa local transmission sa ilang barangay.
Nananatili naman sa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang Ilagan at umaasa ang pamahalaang lunsod na magbubunga ang mga ginagawang hakbang upang mapigilan na ang pagkalat ng virus.