LAOAG CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang menor de edad matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo sa bahagi ng Batac-Banna Road, Brgy. Nagirangan sa lungsod ng Batac.

Nakilala ang nasawi na si Glen Gabbac, 39, residente sa Brgy. San Pedro sa lungsod habang ang hindi na pinangalanang menor de edad ay residente ng Brgy. Capacuan, Batac City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Batac, patungong silangang direksyon si Gabbac at askidenteng nabangga nito ang kasalubong na motorsikong minaneho ng menor de edad.

Posible umanong parehong mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo na naging dahilan ng aksidente.

Dahil dito, nagtamano ng maraming sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng mga biktima at agad na itinakbo sa Mariano Marcos Memorial Hospital & Medical Center sa naturang lungsod ngunit idineklarang dead on arrival si Gabbac.

Sa ngayon ay nananatili pa ang menor de edad sa ospital para sa pagpapagaling nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa pangyayari.