-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Isa ang patay, isa rin ang malubhang nasugatan sa banggaan ng tricycle at bus sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. San Juan, Ilagan City.

Ang nasawi ay ang pasahero ng tricycle na si Jomar Dela Cruz, 32 anyos habang ang nasugatan ay ang tsuper na si Andres Mora, 33 anyos, may asawa, magsasaka at kapwa residente ng San Juan, lunsod ng Ilagan.

Ang tsuper naman ng Victory Liner bus ay si Nichole Mac Jigger Santaren, 28 anyos at residente ng Linao, Apari, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng bus ang daan patungong timog na direksyon habang ang tricycle ay patungo sa hilagang direksyon.

Umagaw umano ng linya ang tricycle dahilan para magbanggaan ang dalawang sasakyan.

Bumaligtad ang tricycle na naging dahilan ng agarang kamatayan ni Dela Cruz habang nagtamo naman ng malubhang sugat sa katawan si Mora na dinala sa isang pagamutan sa Ilagan City.

Dinala ang mga sangkot na sasakyan sa City of Ilagan Police Station maging ang tsuper ng bus para sa kaukulang disposisyon.