KORONADAL CITY – Patay ang escort ni South Upi Mayor Reynalbert O. Insular, habang sugatan naman ang dalawa sa mga kasamahan nito matapos na tambangan ang convoy ng alkalde alas- 2:10 kahapon sa bahagi ng Barangay Pandan.
Ayon sa report, patungo ng Barangay Poblacion Romongaob, South Upi, Maguindanao ang alkalde kasama ang kanyang convoy na kinabibilangan ng PNP at Militar nang pagsapit sa Barangay Pandan, 400 meters ang layo mula sa isang CAA Detachment, ay bigla na lamang pinagbabaril ang kanilang sasakyan.
Nagawa pang gumanti ng putok ang mga escort ng alkalde subalit isa sa mga ito ang namatay habang dalawa naman ang nasugatan na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Patuloy pa ring inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima, habang nasa ligtas namang kondisyon ang alkalde.
Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyari at inaalam din kung ano ang motibo sa krimen.