CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang isang binata at dalawa ang malubhang nasugatan sa vehicular accident sa Cotabato.

Nakilala ang binawian ng buhay na si Hamid Pasandalan, 19, habang sugatan naman sina Ima Masukat, 18, at Ungga Ali, 18, mga residente ng Brgy Kalanganan 2, Cotabato City.

-- Advertisement --

Ayon sa ulat ng pulisya na sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo sa Bubong road, Brgy Kalanganan 2 ng lungsod patungo sana sa isang karnabal ngunit nabundol nila ang isang alagang baka na pagala-gala sa gitna ng kalsada.

Tumilapon ang mga biktima sa motorsiklo at nagtamo ng matinding pasa, sugat at mga bali sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Naisugod sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ang mga biktima ngunit dineklarang dead on arrival si Pasandalan pagkatapos nabagok ang kanyang ulo sa sementong daan habang nasa maselang kondisyon sina Ali at Masugat.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang may-ari ng baka at managot sa madugong disgrasya.